Kapag papasok ka sa eskwelahan namin, di na kailangang magpulbos bago umalis ng bahay. Dahil ilang metro, sa kalsadang paputa sa Pamantasan ng Montalban, may libre na nito. Hindi pa kasama ang maugang jeep dahil sa pagiging malubak ng daan. Ito ang daan patungo sa pamantasan. Maalikabok kapag maaraw, maputik kapag maulan.
Araw araw, ganito ang nararanasan ng mga estudyante na pumapasok sa paaralan namin. Sa tapat nito, may isang malawak na bukid. Tapos, 360 degrees ng pagikot mo sa paligid, bundok ang makikita mo. Magandang sanang mag-aral dito, kaso, mahirap ang daan. Ilang beses na rin naming inilapit ang daang ito sa mga pulitiko pero naging mabagal ang pagsagot nila.
Hindi madali ang buhay ng tao. Natatandaan ko, laging sinasabi ng Mama ko noon, na kapag gusto mong maging bida, kapag gusto mong maging the best, paghirapan mo. Pagsikapan mo.
Merong dalawang salita na parehong isang letra lang pagkakaiba kahit ingles o filipino.
PREMYO - PRESYO
PRIZE - PRICE
Kung papipiliin ka, ano ang gusto mong mauna, premyo o presyo? Gusto mo bang unahin na ang i-enjoy ang premyo mo at pagbayaran ang presyo nito pagkatapos, o pwede rin namang pagbayaran at pagtiyagaan nang bayaran paunti-unti ang presyo at tanggapin ang nararapat na premyo para sa iyo pagkatapos? Get the prize now and pay the price later or strive now to pay the price and receive your prize later?
Ikaw na ang mamili. Hindi ko alam kung dumating na tayo sa punto ng buhay natin na kailangan na nating mamili pero isa lang ang sigurado, haharapin natin ang tanong na ito kahit na anong mangyari. Minsang isang beses, minsan dlawa, tatlo o higit pa. Depende sa sitwasyon ng buhay.
Kailan lang, napadalaw ako sa Pamantasan. Marami ng nagbago, gumanda ang paligid kahit paano at sinisimulan na ang gawin ang daan papuntang Pamantasan. Kung isa kang estudyante na naka-graduate na, sasabihin mo, "Bakit noong andito pa kami, hindi yan ginawa? Kung kaylan wala na kami dito tsaka lang pinaayos." Oo nga naman. Hindi na nila naranasan ang ginhawang dulot ng maayos at sementadong kalsada.
Naisip ko lang, siguradong sila ang dahilan kung bakit ginagawa ang kalsadang iyon. Dahil sa kanila, sa mga kaeskwela naming nakapagtapos na, kaya inaayos na ngayon ang dating baku-bakong kalsada. Sila ang dahilan kung bakit gumaganda ang pamantasan. Sila ang dahilan kung bakit unti unti na ang pag-abot ng pangarap. Naabot nila, maaabot din namin. Nagawa nilang magpakapagod, mapawisan, maaalikabukan, magagawa din namin. Sa pagtahak sa daan patungong pamantasan, dinaraanan din namin ang baku-bakong daan ng buhay. Buhay na nilubak ng mga pagsubok, ng mga mahihirap na exam, ng mga nakakatamad na lesson, ng mga mahahabang essay, nakakamatay na math problems, lahat ng yan, isang hampas sa kalsadang dinaraanan ng buhay natin, pero iyang mga yan ang dahilan kung bakit makakarating ka sa paroroonan mo.
Kahit anong alikabok, kahit anong putik, kahit anong lubak, malalampasan. Lakas ng loob ang kailangan upang harapin ang mga ito. Lakas na mula sa pamilya, sa mga kaibigan, sa mga nagmamahal, sa sarili at higit sa lahat, mula sa Pinakadakilang Guro sa lahat na may gawa ng lahat ng bagay.
Bayad po, estudyante. Pamantasan lang.
GABRIEL LUCAS CAYETANO
10/3/2011 11:05 am
Tondo, Manila
No comments:
Post a Comment