Kung kailangan mo ng mura pero lumang libro. Alam mo kung saan ka pupunta. Kung kailangan mong mameke ng dokumento. Alam mo kung saan ka pupunta. Eskwelahan ba? Alam mo kung saan maghahanap. Motel? Sinehan? Meron din dun. Button Pin? Tarpaulin? Medal? Certificate? Plaque? Lahat yan meron din dun. Minsan, kahit panandaliang ligaya, meron din. Sa Recto makikita mo lahat ng kailangan mo.
Nag-aral ako noon sa EARIST (Eulogio "Amang" Rodriguez Institute of Science and Technology). Isang kolehiyo sa may Nagtahan. Mula sa bahay namin sa Tondo, araw araw kong dinaraanan ang Recto. Dahil ang Recto ay kasama sa tinatawag na University Belt, hindi nawawalan ng estudyante ang nasabing avenida. Far Eastern University, Colegio de San Sebastian - Recoletos, University of the East, University of Manila, San Beda College, Centro Escolar University, Arellano University, Sta. Catalina College, EARIST, Polytechnic University of the Philippines at iba pang maliit na paaralan. Iba ibang uniporme, iba ibang tao. Bawat kulay, bawat porma, sumasalamin sa kung anong estado ng buhay. Ayaw man nating aminin, ganun talaga. Ayaw man nating maniwala, iyon ang nangyayari. Ang uniporme ang batayan ng puwesto mo sa lipunan. Ang pangalan ng paaralan, nakakabit sa sarili mong pagkatao. Kahit hindi ka ganoon, kung iyon ang pagkakakilala sa paaralan mo, ganun ka na din.
Nung training namin sa trabaho ko ngayon, may natutunan akong salita. STEREOTYPE. Ito yung apag nakarinig ka ng isang noun, ano yung mga bagay na pumapasok kagad sa isip mo. Halimbawa, kapag narinig mo ang salitang Tondo, ang unang papasok sa isip mo, delikado, madaming magnanakaw, maraming aksidente at patayan. Kahit na alam natin na hindi naman buong Tondo ay ganito, kapag naririnig natin ang salita, ganun na kagad ang naiisip natin. Sa mga eskwelahan, kapag Ateneo at La Salle, mayaman. Kapag UP, matalino at mga iskolar. Kapag PUP, aktibista. Ang sagot dito? Pagkilala at pagtanggap. Ang lubusang pagkilala at pagtanggap sa katotohanan ang susi upang makilala tayo ng lubusan. Yung kapag wala ka ng ID, di ka na naka-uniform, wala na ang mga kaklase mo sa paligid mo, yung ikaw na lang. Sino ka? Anong meron sa'yo.
Sa Recto maraming peke. Totoo yun. Transcript. Diploma. Notaryo. Kung kailangan mong itago ang pagkatao mo, pumunta ka sa Recto. Magagawa mo. Nakaklungkot. Ang dami kasing ganitong tao. Para lang magkatrabaho, manloloko, itatago ang sarili, babaguhin ang katotohanan. Pero para sa iba ang tawag dito, diskarte. Kapag di ka daw marunong nito, wala kang mararating, wala kang mapapala. Ang papel na ito ay ang maskara ng buhay natin. Masakara na gagamitin nating panakip sa mga mukha natin. Kahit nasasaktan ka, kahit umiiyak ka, dahil sa may nakangiting maskara sa mukha mo, hindi na iyon halata. Parang pekeng TOR. Kahit bulakbol at di ka naman nag-aral ng mabuti nung college ka, pwede kang maging summa cum laude, pumunta ka lang ng Recto.
Darating ang panahon, huhuburin natin lahat ng bagay na tumatakip sa tunay na tayo. Tatanggalin ang maskarang bumabalot sa mukha nating sinugatan ng mga pagsubok na pinagdaanan. Huhubarin ang unipormeng tumatakip sa totoong estado natin sa lipunan. Yung tipong di ka na huhusgahan ng dahil sa kung anong naging marka mo nung magtapos ka sa kolehiyo o sa kung saan ka galing na paaralan.
Ang pagtanggap sa sarili ang susi upang makalaya tayo sa rehas kumulong sa tunay nating pagkatao. Darating ang panahon, di na natin kailangan magpanggap. Dadaanan at malalampasan din natin ang mga Recto ng buhay natin.
Gabriel L. Cayetano
10/4/2011
Tondo, Manila
No comments:
Post a Comment