Ayoko talagang nagsusulat. Noong estudyante pa ako, lagi akong napapagalitan dahil ayokong magsulat. Kapag pasahan ng notebook, lagi akong bagsak. Tamad na tamad talaga ako sa mga ganyang gawain. Madalas akong maiwan sa classroom noong nursery ako dahil mabagal ang sulat ko. Natatandaan ko pang naaabutan na ako ng susunod na section sa classroom. Mas lumala yung katamaran ko magsulat noong elementary at high school. Decoration na lang ang notebooks ko sa bag ko dahil wala namang laman. Kapag nagsabi na ang teacher na kailangan nang ihanda ang notebook para ipasa, tsaka lang ako magkukumahog na kumopya sa mga kaklase ko na minsan, hindi effective dahil naghahabol din sila tulad ko. Nung college naman, mas lalong nag-level up yung love story namin ng writing. Pumapasok ako na ballpen lang ang dala kasama ng 3 piraso ng yellow padpaper. Wala ng bag. Mas epic dahil nauso na ang mga cellphone na may camera, andyan yung kukunan mo na lang yung lesson sa blackboard o kaya ire-record ang lecture ng instructor. Astig!!!
Pero nung nagshift ako ng course sa education, nag-iba lahat. Ang bagay na dati ay kinaayawan kong gawin, natutunan kong ma-appreciate. Ayaw kong kumopya ng mga aralin sa pisara, pero hindi ko alam kung anong paghahanda ang ginagawa ng isang guro para may maisulat sa blackboard. Nalaman ko lang lahat yan ng malaman kong matindi tinding pag-aaral ang ginagawa ng mga guro para lang sa lesson planning. Bagay na hindi ko naman alam dati. Nakikita ko naman ang nanay ko na gumagawa ng lesson plan pero para sa akin, wala lang yun noon, iniisip na kasama naman talaga yun sa trabaho niya. Hindi pala ganun lang kasimple.
Hindi lang lesson plan at ang mga lesson proper ang nate-take for granted sa mga teacher. Madami pang iba. Ang nanay ko, ilang taon ng hanap buhay ang nasabing propesyon at unti unti kong natutunan na hindi madali ang buhay ng isang guro. Kapag guro ka, hindi ka lang teacher. Nurse ka din kapag may nasugatang estudyante. Komedyante, singer, dancer, psychologist, love adviser, abogado, judge, magulang at iba pa. Minsan, negosyante pa at ahente ng kung anu-ano. Nung nag-aral na ako ng Education, mas minahal ko ang trabahong ito. Dati, ayaw kong sinasama sa school ang mama ko kapag sinabi ng teacher na gusto niyang makausap ang parents ko. Pagdating ko sa kolehiyo, isang subject pala yun. Parent-Teacher Relation. Isang semester. Pag-aaralan niyo kung paano haharapin ang mga magulang ng mg estudyante niyo, mag-iisip ng iba't ibang paraan para masabi sa kanila na may problema ang mga anak nila. Hindi pala simpleng bagay lang. Hindi rin madaling maghanda ng visual aids. Minsan, kung anu-ano na pumapasok sa isip mo, hindi ka pa rin nakukuntento, iniisip mo pa din kung magugustuhan ng mga estudyante yung gawa mo. Hindi nila alam na ilang semester mong pag-aaralan ang EdTech para lang maperfect ang iba't ibang strategies ng paggawa ng mga gagamitin mo sa pagtuturo. Kung alam siguro ng mga estudyante kung anong klaseng sakripisyo ang pinagdaraanan ng mga guro, may maisulat lang sa blackboard at makapagturo ng maayos, wala ng estudyanteng tatamaring magsulat at mag-aral. Kung alam lang nila kung anong tinatalikuran ng mga taong ito araw-araw para lang harapin sila at magbahagi ng nalalaman nila, wala ng estudyanteng mambabastos at hindi rerespeto sa mga guro.
Hindi madaling maging guro. Dahil hindi ka yayaman sa propesyong ito. May utang ka pa. Minsan, may nakita akong isang teacher na kumakain ng bentelog, katabi ang mabibigat na bag puno ng mga libro, class record at ilang paninda. Bigla akong nahiya sa sarili ko. Nahiya ako bilang Pilipino, dahil sa bansa natin, hindi masyadong nabibigyan ng pansin ang mga taong tunay na humugis sa lipunan at kasaysayan. Guro ang haharap sa iyo sa unang pagtapak mo sa eskwelahan. Guro din ang huling tutulong sa iyo para makatapos sa pamantasan. Hamon ko sa lahat ng mga kabataan ngayon na mas mabigyan ng pansin ang mga taong nagtuturo sa inyo sa paaralan. Ginagawa nila ang trabahong ito hindi dahil sa sweldo. Ginagawa nila ito kapalit ng pag-asang magiging instrumento tayo ng mas mabuting lipunan balang araw. Na sa pamamagitan ng pag-aalay nila ng sarili, matututo tayong gawin din ito sa ating kapwa sa mga susunod na panahon.
Medyo late na po ito. Pasensya na po. Pero hindi po kayo nawawala sa isip ko.
Itong buwan ng Oktubre, inalala sa buong mundo ang lahat ng mga Guro. At bago pa man matapos ang buwan na ito, hayaan niyo pong humabol ako sa pagkilala sa inyo.
Sa aking mga naging advisers:
Nursery - Teacher Luz
Gr. 1 - Ms. Cruz
Gr. 2 - Mrs. Coma
Gr. 3 - Mrs. Castro
Gr. 4 - Mrs. Ramos
Gr. 5 - Dr. Raganas
Gr. 6 - Mrs. Grimaldo
1st Yr. - Mrs. Valencia (PCS)
2nd Yr. - Mrs. Martinez (Lakandula)
3rd Yr. - Mrs. Lagrosa
4th Yr. - Mr. Casing
Sa aking ibang gurong naging espesyal na bahagi ng pag-aaral ko: Mrs. Montemayor, Sir Cadion, Mrs. Andres, Mrs. Enilog, Mrs. Mauleon, Mr. & Mrs. Jardiolin, Mrs. Hernandez, Sir Tibus, Mrs. Garcia, Sir Bogtong, Sir Llave at sa lahat ng guro ko mula Elementary hanggang High School.
Sa mga humubog sa akin sa kolehiyo, Dr. Abella, Sir Guevara, Mr. & Mrs. Danduan, Maam Claire, Mr. Tud, Sir Paril, Maam Apple, Sir Morla, Sir Martinez at sa lahat lahat ng naging instructor at professor ko.
Sa mga pari at leader sa ministry na naging guro ko sa Simbahan.
Sa aking Mama at Papa na unang mga naging guro ko at nagturo ng mga bagay na hindi makukuha sa paaralan.
Maraming maraming salamat po. Kulang yan kapalit ng lahat ng sakripisyo ninyo araw-araw. Pero hayaan niyo pong isiksik ko sa salitang Salamat ang lahat ng pagkilala at parangal na nararapat para sa inyo. Ako na po ang humihingi ng pasensya at tawad sa lahat ng kunsumisyon na dinudulot sa inyo ng mga makukulit na estudyanteng tulad ko.
Lagi po ninyong tandaan na ang bawat pangalan ninyo ay kalakip ng mga panalangin ko at hinding hindi po kayo maaalis sa aking isip at puso. Alam kong ang pinakadakilang Guro na gumawa ng langit at lupa ay lagi kayong bibigyan ng lakas at inspirasyon para patuloy na gawin ang misyong ginagampanan ninyo.
Mabubura ang mga nakasulat sa pisara pero hindi ang isinusulat ninyo sa kasaysayan ng mundo araw-araw. Maluluma ang mga aklat, pero hindi ang inspirasyong taglay ninyo para sa lahat. Mauubos ang chalk pero hindi ang pagmamahal na kaya ninyong ibigay. Muli, maraming maraming salamat po sa inyo.
Mabuhay ang lahat ng mga guro!!!
No comments:
Post a Comment