Wednesday, November 2, 2011

TUSOK-TUSOK, BASO-BASO -- Simpleng Ligaya


Bahagi ng buhay ng Pilipino ang Street Foods. Walang kalsadang wala nito. Iba-iba, halo halo. Sa murang halaga, nabusog ka na, nasiyahan ka pa. MUla fish ball hanggang sa kwek kwek, banan cue, dirty ice cream, taho, isaw, samalamig, kikiam, chicken balls, scramble, cotton candy, mani, balot at iba pa. Huwag nating kalimutan ang adidas at helmet na pinangalanan ng mga Pilipino. Sa paglipas ng panahon, nadagdagan sila ng mga makabagong mga pagkaing lansangan, dumating na sila french fries, footlong, hamburger, at swirly bits, mga pagkaing pang-resto turned into a street food by the filipinos for the filipinos.

Marami pa yan, di ko na lang mabanggit lahat dahil sa dami. Hindi ko alam kung bakit, kahit na palaging binabalita na hindi naman daw ligtas kumain ng mga ito dahil maraming sakit na makukuha, eh gustong gusto pa rin nating kumain nito. Ano bang makukuha sa itlog na binalot sa harinang nilagyan ng orange na food color at pinirito? Sa tubig na nilagyan ng kulay, asukal at gulaman? Sa bituka ng manok na nilagay sa stick at inihaw? Sa saging na na binabad sa kumukulong mantika na may asukal? Para namang wala, di ba? Kung iisipin, napaka-simple, logically. Pero espesyal ang mga ito sa mga pilipino, at kahit na sa mga bansang may kanya kanyang version nitong mga ito, dahil, sa simpleng paraan, napapaligaya tayo nito. Napapawi ng panandalian ang gutom habang nasa byahe, naglalakad pauwi o kung nakatambay ka sa labas ng bahay niyo.

Sabi nila, mababaw daw ang kaligayahan ng mga Pilipino. Madaling mapukaw ang ating emosyon. Tuwang tuwa tayong nanonood ng mga game show at kapag nanalo yung contestant, masaya tayo na parang kamag-anak natin yung nanalo. Tumuto ang luha natin tuwing nanonood tayo ng mga teleseryeng napapanood natin na parang kwento ng sarili nating buhay yung nasa telebisyon, di pa dun kasama ang galit at inis natin sa mga kontrabidang akala mo eh nakaaway mo na talaga minsan. Masaya na tayo sa pagtambay sa labas kasama ang mga kapitbahay, sa basketball na lusot lang naman ang parusa sa talo, sa DoTA na lose-pay ang labanan, sa P25.00 na halo halong hinahanap hanap, sa isang maliit na bagay na tuldok lang naman sa mundo kung tutuusin pero napakalaki ng epekto para sa buhay natin.

Sa America, ang isang tipikal na amerikano ay meron 3 hanggang 4 na part time job na pinagkakaabalahan araw araw. Hindi madali. Ang mga Pilipino, dumidiskarte, madagdagan lang ang kakarampot na kitang inaani sa buong araw na pagtatrabaho dahil kulang pang panlaman sa kumakalam na sikmura, dagdagan pa ng iba't ibang pangangailangan. Sa dami ng pinagdaraanan natin sa araw araw ng buhay natin, napakahalaga ng mga panandaliang saya na sumisingit paminsan minsan sa hectic na schedule natin sa araw araw. Nandiyan ang panonood ng TV, kasama ng mga anak. Pagsisimba tuwing linggo, pagkain sa labas paminsan-minsan, ang pagluluto ni nanay ng paboritong ulam at ang pagkain ng sabay sabay, ang pamamasyal at paglalaro, ang bonding ng barkada at iba pa. Lahat, hindi palaging nangyayari, lahat paminsan minsan lang kung tutuusin. Pero ang mga ito yung mga bagay na hindi natin nakakalimutan at hinahanap hanap natin na mangyari ng pautlit ulit.

Sabi ko sa isa sa mga naunang isinulat ko, hihintayin ko yung panahon na hindi mko na gumising ng maaga dahil male-late na ako sa trabaho, yung tipong kakain ako ng almusal ng hindi nagmamadali, hindi kailangang ubusin ang lakas at panahon sa kakarampot na halaga na sa ibang tao ay barya lang naman. Alam kong imposibleng mangyari ito, posible man, dapat maging SUPERMAN muna ako. Hindi madaling mabuhay, hindi kailanman ito magiging madali. Pero wala tayong hindi kakayanin para sa mga mahal natin sa buhay. Nakakapagod. Oo naman. Sino bang hindi napapagod. Gigising ka sa umaga. Aalis ng bahay para maghanap-buhay, maghapong magtatrabaho, uuwi ng bahay, madilim na, matutulog. Kinabukasan ganun ulit. Araw araw. Paulit ulit. At dahil sa nakakabobong routine natin sa araw araw, madaling matandaan yung unang word ni baby, yung huling beses na minasahe ka ng asawa mo, yung huling beses na namasyal kayo ng pamilya mo, nung makasama mo ang iyong long lost friend mo at napakarami pang iba na minsan lang naman mangyari, pero hindi mo makakalimutan. 


Kailan mo huling naranasan na pagkatapos ng isang magandang araw, may nangyaring masaya at espesyal, yung nakahiga ka na sa gabi, di ka pa din makatulog kasi ayaw mong matapos iyong araw na iyon. Iniisip na bukas babalik ka naman sa normal mong buhay at ang araw na ito ay masasama sa listahan ng mga araw na ite-treasure mo habang buhay. Ako, kailan lang. Sabi nga ng isang free newspaper sa LRT at MRT, "The best things in LIfe are LIBRE." Walang bayad maging masaya. Hindi kailangan ng malaking pera para malaman ang tunay na ibig sabihin ng kaligayhan. Sa simpleng mga bagay, iyong hindi napapansin at hindi nabibigyan ng halaga, iyon pa yung nakakapagbigay sa atin ng mga kasiyahan. Hindi kailangang gumastos ng malaki. Libre ang saya.

Nakakatuwa dahil nung nakaraan, pagbaba ko sa footbridge sa tapat ng TechnoHub. May nagtitinda ng Fishball at kitang kita ko kung paano ito dumugin ng mga empleyado sa katapat na mga opisina. Nakakatuwa. Pampawi sa nakaka-stress na trabaho. Ganito tayong mga Pinoy. Palaging gutom. Nalungkot lang ako ng minsang nabalita sa buong pilipnas: FISHBALL: Nagmahal. Tatlo-dos na siya. 



GABRIEL LUCAS CAYETANO
4:53 PM 11/2/2011       Tondo, Manila

No comments:

Post a Comment