
Ayoko ng traffic. Pero traffic sa Velasquez at Tayuman. Ang 15 minutong biyahe, naging 1 at kahating oras. Sobrang Badtrip. Pagdating ko sa SM San Lazaro, sasakay na sana ako ng papuntang España, kaso nakita ko na ang katakut-takot na badtrip na mararanasan ko kapag sumakay pa ako ng jeep. Kaya ayon. Naglakad ako. Nilakad ko ang kahabaan ng Lacson Avenue. Habang naglalakad, napapansin kong pataas ng pataas ang tubig hanggang sa dumating ako ng España at abutan ang pinakamalaking badtrip na naghihintay sa akin. Ang mahabang kalsada ng Maynila, ayun, naging ilog sa taas ng baha. Bahang lagpas tuhod with matching basura. Basurang plastik, balat ng prutas, at may nakita pa akong tila laman lang ng tiyan kanina. BADTRIP. Kasi ayoko ng baha. BADTRIP. Kasi natrap ako sa gitna ng isang sitwasyon na alam kong wala akong magagawa kundi lusungin ang ilog na nasa harapan ko dahil kung hindi, haharapin ko ang katotohanang sa kauna-unahang pagkakataon, a-absent ako sa trabaho.

Natuwa ako dahil habang naglalakad ako, unti unting nawawala ang mga takot kong ito. Sa bawat kantong daraanan, may mga taong naghihintay upang sabihin "Ate, Kuya, wag po kayo diyan, may butas po diyan, dito lang po..." May mga gumawa ng improvised na tulay na pwedeng tawiran kapalit ng konting barya. Kahit pakiramdam ko lumakad na ako ng milya milya, di pa rin ako makasakay ng kahit na anong sa fairview papunta.
May mga nakasabay ako grupo, magkakaklase, magbabarkada. Sabay sabay nalalakad. Kapag malalim ang tubig, hawak kamay kung umusad. Hindi binibitawan ng mga kalalakihan, mga babae nilang kaibigan. Kapg pwede na, at di na gaanong malalim ang tubig, okay ng magbitiw pansamantala. At kapag tuluyan ng nakalagpas sa mahabang ilong ng Maynila, isa-isang maghihiwalay, papunta sa kani-kanilang patutunguhan. Sa paglalakbay natin sa kalsada ng buhay, mga mga kaibigan sa paglusong makakasabay. Hindi ka bibitawan. Hindi ka pababayaan, hanggang dumating sa pagkakataong pwede ka na nilang iwan. Oo, kahit mga pinakamalapit na kaibigan, mang-iiwan at mang-iiwan. Iba sila ng pupuntahan, ikaw, may sariling patutunguhan. Pero pasalamat na rin dahil sa bahagi ng kalsada na iyo ng buhay mo, nakasama mo sila, lalo't higit nung mga panahong lubog ka sa baha ng mga problema at pagsubok.

Hindi madaling kalimutan ang sarili. Lalo na kung marami kang pinagdaanang hirap at pagsubok para buuin ang ikaw ngayon. Hindi madaling kalimutan ang sarili lalo na kung wala ka namang mapapalang kahit na ano pagkatapos. Mahirap kalimutan ang sarili, lalo na kung ang pagbibigyan mo nito ay mga taong wala naman sa iyong pakialam. Pagkatapos mo silang tulungang tumawid sa malalim na tubig, kakalimutan ka rin naman niyan eh. Hindi ka nila maaalala. Walang makakaalala sa sakirpisyo at pagtataya mo kundi ikaw lang. Kapag tumaya ka at natalo ka, wala lang. Walang nakakakilala sa'yo. Kapag tumaya ka at nanalo ka, lahat ng tao kaibigan mo. Ganun talaga. Pero ang maganda rito, hindi mo kailangang magpasikat sa kanila. Hindi mo kailangang makilala ng mga ito dahil sa Mata ng Pinakasikat na nasa itaas, may papremyong naghihintay sa'yo.
At kapag nalampasan mo na ang España at narating ang Welcome Rotonda, isang malaking "Congratulations, Kapatid!"
Gabriel Lucas Cayetano
10/06/2011 1:29 PM
Tondo, Manila
No comments:
Post a Comment